Aabot pa sa P100 million ang ayudang hindi pa nakukuha ng mga qualified beneficiaries sa Quezon City.
Batay sa impormasyon mula sa City Treasurer’s Office, ang P100 million na hindi pa nake-claim na ayuda para sa nakaraang enhanced community quarantine (ECQ) ay mula sa P2.4 Billion na alokasyon ng lungsod.
Dahil dito, hanggang May 12 ay maaari pang kunin ng mga benepisyaryo ang ayuda na ipinagkaloob ng national government.
Bubuksan naman ang ilang sites na maaaring puntahan ng mga beneficiaries para sa kanilang financial assistance.
Para naman malaman kung ang isang residente ay qualified beneficiary ng ayuda, maaari itong i-check sa kanilang mga barangay o sa official website ng lungsod.
Ayon naman kay QC Mayor Joy Belmonte, posible rin nilang ikunsidera na ibigay ang ayuda sa ibang mga residente na nagsumite ng appeal o reklamo sa gitna ng distribusyon ng cash aid.