Inihain ng Makabayan bloc sa Kamara ang panukala na layong bigyan ng ayuda ang mga estudyanteng apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng “Emergency Student Aid and Relief Bill” ay isinusulong na mabigyan ng P10,000 pinansyal na ayuda ang mga mag-aaral.
Sa oras na maging ganap na batas ay tatanggap ang mga estudyanteng benepisyaryo ng P5,000 na cash-aid para sa kanilang matrikula at iba pang gastos na may kinalaman sa kanilang pag-aaral.
Ang isa pang P5,000 ay ipagkakaloob sa mga mag-aaral bilang subsidiya sa kanilang online at modular learning expenses.
Nakapaloob din sa panukala ang “Student Aid Program” kung saan kapag nagdeklara ang pamahalaan ng national emergency ay bibigyan ang mga benepisyaryo ng hindi bababa sa P1,000 na financial aid kada buwan at dagdag na P1,000 na subsidiya para sa gastusin sa online at modular learning.