Nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 15 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 102 milyong piso.
Nakuha nila ito mula sa dalawang suspek na namatay sa pakikipagbarilan sa mga awtoridad sa buy-bust operation kagabi sa Highway 2000, Brgy. Sta. Ana Ext., Taytay, Rizal.
Ayon kay PNP Chief Gen. Debold Sinas ang nasawing prime suspek na kinilala sa isang alias Alvin, ay notorious drug dealer sa Region 4A, National Capital Region at mga kalapit lalawigan habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng pangalawang nasawi rin na kasama nito.
Batay pa sa pag-iimbestiga, si Alvin ay isa sa mga distributor ni Michael Lucas na unang naaresto sa Town and Country Homes, Dasmariñas, Cavite.
Sila ay kasama sa sindikato na kumukuha ng supply ng droga at instructions kung kanino ito ide-deliver mula sa isang Chinese na nakabase sa Hong Kong.