Inaprubahan na ng Asian Development Bank (ADB) ang 250 milyong dolyar o katumbas ng 12.5 bilyong pisong inutang ng Pilipinas para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay ADB Principal Social Sector Specialist for Southeast Asia Sakiko Tanaka, gagamitin ang pondo sa pagbili ng nasa 40 milyong karagdagang doses ng bakuna para sa mga kabataan at booster shots naman para sa mga matatanda.
Tinatawag itong Second Health System Enhancement to Address and Limit COVID-19 na nasa ilalim ng Asia Pacific Vaccine Access Facility (HEAL2) at suportado rin ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB).
Nasa 70 porsyento ng bansa ang target bakunahan ng Pilipinas bago matapos ang taon.
Nitong Nobyembre sinimulan ang pagbabakuna sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17.