Tinatayang nasa isang daan at dalawampung milyong piso P120-M ang kabuuang halaga ng tulong na naipamahagi ng Department of Agriculture sa mga apektadong hog raisers sa buong Region I na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.
Sinabi ni DA Region I Executive Director Nestor Domenden, sa kasagsagan ng ASF outbreak ay agad na naglunsad ang DA ng programa na nagbigay sa mga apektadong hog raisers ng tig-limang libong piso bilang tulong pinansyal sa bawat baboy na idinaan sa culling operation.
Nagsagawa noon ang ahensiya ng culling process sa iba’t ibang lugar na nakapagtala ng mortality dahil parin sa ASF para mapigilan ang hawaan at ang pagkalat ng sakit.
Samantala, unti-unti ng inilulunsad ang re-population ng mga alagang baboy sa mga bayan ng Lingayen, Aguilar at Labrador sa pamamagitan ng Sentinel Piglets na aalagaan at paparamihin ng mga hog raisers.
Sa ngayon, umaasa ang ahensya na makapaglulunsad ng bakuna kontra ASF kung saan ginagawa na din ang masusing pag aaral at clinical trials ng ilang bansa.