P12M ‘dream house’ ng isang nanay sa UK, nahulog sa bangin

SplashNews.com

Nadurog ang puso ng isang nanay sa England matapos gumuho ang halos kalahati ng pinangarap niyang tirahan.

Naglilibang sa harap ng TV si Emma Tullet nang bumigay ang talampas na kinatatayuan ng kanyang two-bedroom bungalow na may swimming pool sa Isle of Sheppey noong Biyernes, ayon sa ulat ng DailyMail.

Umaga pa lang daw ay napansin na ng 42-anyos ginang ang halos siyam na pulgadang bitak sa harap ng kanilang bakuran na ipinaalam niya sa Environment Agency.


Kinagabihan nang mangyari ang insidente na humati sa kanilang bahay na nagkakahalagang £195,000 o halos P12 million, na binayaran nang buo noong 2018.

“I heard this crackling and crunching and then you could tell the cliffs were gone. I think the cracks must’ve been getting bigger over a few days,” saad niya.

Kasamng nahulog sa bangin ang isa niyang orange Seat Ibiza, at ang natira sa kanilang tirahan ay living room, isang kuwarto, kusina at hallway.

Nailabas niya naman kaagad ang lima niyang mga anak, kaya walang nasaktan sa pamilya.

Nang bilhin ni Tullet ang bahay, sinabihan daw sila na aabot nang 40 taon ang pagtira nila rito.

Bukod sa mga Tullet, pinalikas din ng awtoridad ang mga nakatira sa 20 pang kabahayan na nanganganib dahil sa pagguho.

Facebook Comments