Aabot sa kabuuang P150 billion ang kailangan isauli ng Meralco sa mga consumer nito kung pagbabatayan ang re-computed weighted average cost of capital (WACC).
Sinabi ni dating Energy Regulatory Commissioner (ERC) Alfredo Non na sa kanyang pagkukuwenta, dapat irefund ng Meralco sa customers nito ang mga sumusunod:
—P2,700 kada buwan para sa mga kumukunsumo ng 200 kwh kada buwan
—P9,500 kada buwan sa mga may konsumo ng 300 kwh kada buwan
—P15,500 kada buwan para sa mga may konsumo ng 400 kwh per month at
—P51,000 sa mga may konsumo ng 1,000 kwh o mahigit kada buwan.
Nabatid na naisumite na rin ni Non sa ERC ang kanyang proposed computation kung saan nito ang bagong rates na dapat isingil ng Meralco sa mga customer kapag natapos na ang refund.
Sinabi pa ni Non na nararapat ang refund dahil naniningil ang Meralco ng P1.47 per kwh kahit ang provisional authority rate ay nasa P1.38 per kwh.
Mula 2012 hanggang ngayon, ang average billing rate ng Meralco ay P1.47 per kwh kung kaya’t nag-overbill na umano ito ng P0.09 per kwh.
Samantala, nanindigan naman ang Meralco na ang lahat ng rates ay aprubado ng ERC at tumatalima lamang ito sa kautusan ng komisyon kaugnay sa cost adjustment.