Isinusulong sa Kamara ang mga panukala na magbibigay ng ayuda sa mga mangingisda at pagbibigay proteksyon sa mga coastal area.
Sa inihaing House Bill 2024 ng Makabayan Bloc ay hinihiling na mabigyan ng P15,000 cash aid ang mga maliliit na mangingisda na apektado rin ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at importasyon ng isda.
Giit ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, palaging naisasantabi ang kapakanan at pangangailangan ng mga mangingisda na kabilang sa vulnerable sector na apektado ng pandemya, pagtaas ng langis at mga bilihin.
Bukod dito, inihain din ang House Bill 2026 o pagdedeklara sa Manila Bay na “reclamation-free zone” alinsunod na rin sa ruling ng Korte Suprema noong 2008.
Inihain din ng Makabayan ang House Bill 2025 o ang pagtiyak sa pagbibigay proteksyon sa mga coastal area sa bansa mula sa lalong pagkasira at House Resolution 47 na humihimok sa pamahalaan na igiit ang interes at kapakanan ng mga Pilipinong mangingisda laban sa agresibong panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.