P173-M Reserved Fund ng ISELCO-2, Nalugi; GM Siquian, Pinatatanggal sa National Electrification Administration

Cauayan City, Isabela- Hiniling ng Sangguniang Panlungsod ng Ilagan sa Board of Directors ng Isabela Electric Cooperative 2 (ISELCO-2) at National Electrification Administration na tapusin o tanggalin na sa serbisyo si David Solomon Siquian ng bilang General Manager ng ISELCO-2.

Ito ay makaraang aprubahan ng Sangguniang Panlungsod na may lagda ni City Mayor Jay Diaz ang Resolution no. 174 sa kanilang ginawang regular session noong Lunes, Agosto 1, 2022.

Una nang hiniling ng alkalde ang pagbibitiw sa tungkulin ni Siquian matapos ang panawagan ng publiko partikular ng mga member-consumer owners kasunod ng napaulat na umano’y anomalya at mga aktibidad sa operasyon ng kooperatiba.

Sa iprinesentang financial statement ng ISELCO-2 noong Annual General Membership Assembly, lumalabas na mayroong pagkalugi na P173 milyon bilang Reserved Fund ng kooperatiba, hindi pa kasama ang hindi nabayarang interes sa share capital at patronage refund sa member-consumers na nagkakahalaga ng P29.3 milyon noong 2021.

Sa kasalukuyang financial position ng cooperative tahasang nagpapahiwatig ng pagiging incompetence at anomalous management ng ISELCO-2 na nagdala ng pagkawala ng tiwala at kumpiyansa ng mga member-consumer kay GM Siquian.

Batay sa resolusyon, ang maling pamamahala ng ISELCO-2 ay isang ‘sufficient grounds’ para matanggal sa tungkulin si Siquian at ang mga kasalukuyang Board of Directors para magkaroon ng kinakailangang aksyon base sa Memorandum 2017-35 na ipinalabas ng National Electrification Administration.

Dahil dito, pinagbibitiw na sa pwesto si Siquian bilang General Manager ng ISELCO-2 o ang mabilis na pagtanggal sa kanya kasunod ng panawagan ng nakakaraming member-consumer owners’ ng kooperatiba.

Umaasa naman ang nakararaming member-consumer owners’ na papakinggan ng NEA ang hiling na tanggalin sa pwesto si Siquian.

Facebook Comments