LINGAYEN, PANGASINAN – Mahigit P18-milyong pondo mula sa Office of the President ang ipinamahagi sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) at Provincial Government of Pangasinan para sa backyard farmers na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Nasa 513 indibidwal mula sa bayan ng Agno, Burgos, Mabini, Dasol, Alaminos City, Umingan, Natividad, Mapandan, Sual at Lingayen ang tumanggap ng indemnification assistance ngayong ika-26 ng Nobyembre sa Pangasinan Training and Development Center II, sa bayan ng Lingayen.
Matatandaan na sinabi ng DA na sisimulan na ang paghahatid at pagbibigay ng mga alagang biik dito sa lalawigan ngayong Nobyembre para sa repopulation program kung saan aabot sa PHP38.2 million ang inilaan para sa programa.
Nakatakdang mabigyan ng 45 baboy ang 116 clusters na mga backyard farmers sa probinsiya.###