P184 billion na pondo, kakailanganin para sa ligtas na balik-eskwela sa bansa

Tinukoy ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na mangangailangan ng P184 billion na pondo para matiyak ang ligtas na pagbabalik eskwela ng mga guro at mga mag-aaral.

Pinuna ng kongresista na sa kabila ng 47,000 na pampublikong paaralan sa bansa, nasa 90 lamang ang mga paaaralang tutuloy sa pilot test ng face-to-face classes.

Marami aniya sa mga eligible school ang bumagsak sa risk assessment bunsod na rin ng kakulangan sa mga pasilidad para sa ligtas na pagbabalik-eskwela.


Para mapondohan ng sapat ang balik-paaralan, inihirit ng kongresista ang “urgent” o agad na pagpapatibay sa House Bill 10398 o Safe School Reopening Bill kung saan dito ay maglalatag ng roadmap upang matiyak ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

Kailangan aniya ng malaking budget para maisaayos at maihanda ang mga paaralan na magamit muli sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa P184 billion na pondo ay kasama na rito ang mass testing para sa mga mag-aaral at mga school personnel, mga pasilidad at suplay para sa kalusugan, pag-hire ng health personnel, internet allowance at gadgets para sa mga guro na may hazard at overload pay at stock fund para sa libreng pagpapagamot sa mga magkakasakit ng COVID-19.

Facebook Comments