
Hindi ramdam ang ibibigay na fuel subsidy ng pamahalaan kasunod ng napipintong pagsipa ng presyo ng petrolyo bukas.
Kung maalala, sinabi ng Department of Transportation o DOTr na inihahanda na nila ang mga panuntunan sa paglalabas ng P2.5 billion na subsidiya para sa mga apektadong tsuper ng PUJ dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa pagtatanong ng DZXL News kay Piston National President Mody Floranda, ilang araw lang gagamitin ng mga tsuper ang kakarampot na subsidiya na P6,500.
Aniya, sobrang taas ng diesel na ginagamit ng mga jeepney driver sa kanilang jeep at madaragdagan pa bukas ng mahigit limang piso.
Dahil dito, mas malaki pa rin aniya ang mawawala sa kanilang kita sa patuloy at hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Una nang ipinanawagan ng grupong Manibela na magkaroon ng P8,000 na fuel subsidy kada buwan.









