Cauayan City, Isabela- Nasa P2 bilyon ang inilaang pondo ng Department of Agriculture para sa rehabilitasyon sa sektor ng agrikultura sa lambak ng Cagayan na papakinabangan ng mga magsasakang apektado ng nagdaang bagyo.
Ayon kay DA Sec. William Dar, ito ang naging assessement para maglaan ng nasabing halaga ng pondo sa rehiyon simula ng maranasan ang halos magkakasunod na bagyong Rolly, Quinta at ang bagyong Ulysses.
Dagdag pa ng kalihim, handa ang kanilang kagawaran at nakatakda rin ang pamamahagi ng agricultural inputs para sa pagtatanim sa buwan ng Disyembre gaya ng hybrid at inbred rice seeds, fertilizers, poultry, kambing at iba pa.
Sa ngayon ay magkakaloob ang Cagayan ng Certificate of Award na nagkakahalaga ng P846 milyon para sa rehabilitasyon sa agrikultura sa probinsya.
Bukod dito, naglaan din ang kalihim ng P986 miyon para sa lalawigan ng Isabela na higit na naapektuhan ng bagyong Rolly at Quinta habang maglalaan din ng P148 milyon sa Nueva Vizcaya at P96 milyon para naman sa lalawigan ng Quirino.
Kaugnay nito, magbibigay naman ng nasa higit 14,000 bags ng bigas ang National Food Authority sa Cagayan at higit 18,000 sa Isabela.