P20 excise tax sa single-use plastic, lusot na sa komite ng Kamara

Manila, Philippines – Inaprubahan na sa House Committee on Ways and Means ang pagpapataw ng excise tax ng mga single use plastic.

Sa ilalim ng inaprubahang House Bill 178, papatawan ng P20 excise tax ang kada kilo ng mga single use plastic simula January 2020.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda, kasama na rin sa bubuwisan ang mga plastic sachets gayundin ang lahat ng mga plastics na ginagamit sa packaging.


Kung maipapatupad ito ay makakalikom ang gobyerno ng P4.8 billion revenue na gagamitin naman para sa mga programa at proyekto ng ecological solid waste management.

Mangangahulugan ito ng dagdag na .07 sentimo sa kada single-use plastic na bibilhin ng publiko.

Naniniwala naman si Environment and Natural Resources Undersecretary Benny Antiporda na sa halip na makabawas sa plastic ay baka makahikayat pa ito sa dagdag na produksyon ng residual plastics.

Tutol naman ang Philippine Plastic Industry Association sa panukala dahil pinangangambahan nila ang pagbaba ng consumption ng plastic kung bubuwisan ito.

Nilinaw naman ni Salceda na hindi maaapektuhan ang demand sa paggamit ng plastic dahil mababa lang ito kung bubuwisan at hindi rin mga manufacturers ang papatawan nito.

Layunin ng panukala na mabawasan ang paggamit ng plastic at mahikayat ang publiko sa pagre-recycle.

Facebook Comments