P20 NA KADA KILO NG BIGAS, IMPOSIBLE UMANONG MATUPAD?

Nasa apat (4) sa limang (5) tindera sa pamilihang lungsod ng Cauayan ang nagsabing imposible umanong matupad ang P20 na kada kilo ng bigas sa merkado.

Ayon sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Jackie, isa sa mga may pwesto ng bigasan sa pribadong pamilihang lungsod ng Cauayan, tila suntok sa buwan umano kung iisipin na magkakaroon ng P20 na kada kilo ng magandang bigas ang maaaring maibenta sa pamilihan.

Aniya, sa mahal umano ng mga binhi at fertilizer na ginagamit sa pagsasaka ay talagang malabo ito.

Samantala ayon naman kay Elizabeth Rivera, karamihan umano sa kanilang ibinebentang bigas ay inaangkat pa mula sa ibang bansa.

Dahil aniya ito sa marami na ang magsasakang nalulugi at hindi na kaya pang magtanim dahil sa mga pagtaas ng mga presyo na kinakailangan sa pagsasaka.

Kaugnay nito, saka lamang umano maaring bumaba ang presyo ng bigas kung tataas ang presyo ng bentahan ng palay.

Sa kasalukuyan, ramdam na ramdam umano ng mga may pwesto ng bigasan ang tumal ng benta.

Dahil sa patuloy parin na pagtaas ng bilihin kabilang na ang bigas.

Naglalaro na ngayon sa 1,100 ang kalahating sako ng magandang bigas na ibinebenta nina Elizabeth habang 850 naman ang presyo ng bigas na “pwede na.”

Aniya, mas mataas umano ang mga ito dahil pumapatak lamang ng nasa 550-750 ang kada 25 kilo ng bigas bago ang pandemya.

Facebook Comments