Manila, Philippines – Inirekomenda na ng Department of Labor and Employment (DOLE) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang P200 kada buwang subsidy para sa mga minimum wage earner.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, balak nilang ibigay ang pang-isang taong subsidy nang buo na aabot sa P2,400 sa unang taon.
Aniya, P200 kada buwan ang ibibigay na subsidy sa unang taon, P300 sa susunod na taon at P400 sa ikatlong taon.
Paliwanag ng kalihim, inaasahan nila na magiging solusyon ito para sa epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Gayunman, aminado si Bello na kailangan pang hanapan ng pondo ang subsidy sa tinatayang 4.1 milyon minimum wage worker sa bansa.
Iginiit naman ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Vice President Luis Manuel Corral, kulang pa rin ang subsidy kumpara sa nauna nilang hiniling na subsidy na P500 kada buwan.
Sabi pa ni Corral, pansamantalang solusyon lang din ang subsidy kaya isusulong pa rin nila ang P320 nationwide wage hike petition na inihain ng grupo sa wage board.