P308 million sa Special Risk Allowance, naibigay na ng DOH sa mga health facilities

Nailabas na ng Department of Health (DOH) ang P308 million na Special Risk Allowance para sa mga healthcare workers.

Sa pagdinig ng Committee on Health sa 2022 budget proposal ng DOH, kinumpirma ni Health Director Larry Cruz na sa P311 million na dagdag na Special Risk Allowance, P308 million dito ang n-i-disburse o naibigay na sa mga health facilities sa parehong public at private.

Aabot sa 20,000 health care workers ang nakatanggap nito.


Dagdag pa ni Cruz, sa kabuuan ay nakapaglabas na ang DOH ng SRA sa 399,325 health workers at may pending budget sila para sa SRA na nakapaloob naman sa Bayanihan 3.

Gayunman, pinahahabol ni Marikina Rep. Stella Quimbo sa DOH ang humigit kumulang P34,000 na kabuuang SRA na dapat na matatanggap ng mga health workers.

Napuna ito ni Quimbo dahil mayroong ilang post sa social media ng ilang health care workers na hindi pa aabot sa 500 pesos ang natanggap na SRA.

Iginiit ng kongresista na humanap ng paraan ang DOH para mahabol ang halagang P34,000 sa previous tranche dahil kulang na kulang ang pondong P311 million para matanggap ng mga health workers ang nararapat na halaga ng Special Risk Allowance.

Facebook Comments