Cauayan City, Isabela- Sabay-sabay na sinira at sinunog ng mga otoridad ang tinatayang aabot sa halagang P32 milyong piso ng marijuana sa Sitio Balay, Barangay Tulgao West, Tinglayan, Kalinga.
Unang nadiskubre ng mga otoridad ang isang plantasyon ng marijuana na may lawak na 5,000 square meters at may tanim na mahigit kumulang 50,000 marijuana seedlings na tinatayang nagkakahalaga ng Php2,000,000.00.
Sa patuloy na operasyon ng PNP Cordillera at Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office 2 (PDEA-RO2), muling natagpuan ang isa pang site sa lugar kung saan nadiskubre ang nasa mahigit kumulang 250,000 grams ng Marijuana leaves na tinatayang nagkakahalaga ng Php 30, 000,000.00.
Kaugnay nito, nagtulong-tulong ang PNP at PDEA sa pagbunot ng mga nakatanim na marijuana habang sinunog naman ang mga nadiskubreng dahon ng ipinagbabawal na gamot.
Tumulong din sa nasabing operasyon ang PDEA RO2 – Regional Special Enforcement Team (RSET); PDEA Isabela Provincial Office; Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit-Isabela PPO; 1st Provincial Mobile Force Company-IPPO; PDEA Kalinga Provincial Office; Tinglayan Municipal Police Station; 1st at 2nd Kalinga PMFC; ang Regional Mobile Force Battalion 15 1501st at 1503rd Maneuver Companies; at Regional Intelligence Division, Police Regional Office Cordillera.