Manila, Philippines – Pinahahanap ngayon ng Ako Bicol Partylist sa Philippine National Police (PNP) ang pinuntahan ng reward para sa pagkakadakip ng mga suspek sa murder slay case kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.
Inamin ni Ako Bicol Representative Alfredo Garbin na wala silang ideya o nalalaman kung kanino ibinigay ang P35 million bounty para sa mga suspek sa pagpatay sa kongresista noong Disyembre 22, 2018.
Ayon kay Garbin, hihintayin na lang muna nila ang accounting ng PNP sa pinuntahan ng reward money sa Batocabe murder case upang matiyak na nararapat ang mga nakatanggap ng pabuya.
Matatandaang nag-ambagan ang mga kongresista ng P13 million habang P2 million naman ang galing sa Albay Provincial Government at P20 million naman ang galing mula kay Pangulong Duterte na reward money para sa mabilis na ikadarakip ng mga suspek.
Samantala, inaaral na ng legal team ng Ako Bicol ang lumabas na balitang binawi ng mga testigo ang testimonya laban kay dating Daraga Albay Mayor Carlwyn Baldo dahil sa bigong maibigay ang pabuya para sa kanila.