P37.3-M Halaga ng Marijuana, Nasabat sa Kalinga; Suspek, Nakatakas

Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa P37.3 milyong pisong halaga ng marijuana ang nasabat ng mga otoridad sa isinasagawang checkpoint sa Barangay Lacnog, Tabuk City, Kalinga.

Una rito, agad na naglatag ng checkpoint ang pinagsanib -pwersa na mga elemento ng Tabuk City Police Station, 1503 MC RMFB 15, PIU/PDEU 1st Coy KPMFC, PNP Lubuagan, RID PRO-COR, RIU14, at PDEA Kalinga matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na may nakatakdang ipupuslit na mga ipinagbabawal na gamot galing sa bayan ng Tinglayan at dadaan sa Tabuk City.

Nang makarating sa PNP Checkpoint ang sasakyan na minamaneho ng suspek na nakilalang si Sabado Guimba ay agad itong lumiko at umiwas matapos mamataan ang mga nakabantay na mga operatiba sa checkpoint.


Agad namang hinabol ng mga operatiba ang sakay ng suspek subalit bumaba mula sa sasakyan at iniwan na ng suspek ang minamaneho nito at tumakas.

Naabutan ng mga operatiba ang isang itim na Mitsubishi Adventure na may plakang NBZ 7232 na kung saan nasamsam sa loob ng sasakyan ang walong (8) sako na naglalaman ng 311 na bricks ng marijuana na may bigat na humigit kumulang 311 at tinatayang aabot sa halagang Php37,320,000.00.

Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga nasamsam na bricks ng marijuana maging ang inabandonang sasakyan para sa kaukulang disposisyon.

Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operation ng mga otoridad laban sa tumakas na suspek.

Facebook Comments