P389 billion, nagastos ng pamahalaan para sa COVID-19 pandemic – DBM

Umabot na sa P389 bilyon ang nagastos ng gobyerno sa iba’t ibang programa para tugunan ang Coronavirus pandemic.

Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado, umabot na sa 94% ng 2020 national budget ang nai-release ng pamahalaan para sa pagtugon sa COVID-19 at mga proyekto ng pamahalaan.

“Makikita natin na umabot na sa 389.06 billion ang nagagasta ng ating pamahalaan as of 28 August at ito nga po ay nangyari dahil sa pagpapasa ng Bayanihan to Heal as One Act. And the government was able to shore up resources to fund critical programs, activities and projects.” – ani Avisado.


Ang pinakamalaking COVID Budget ay napunta sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ₱211 bilyon para sa Social Amelioration Program (SAP).

Nasa ₱52 bilyon naman ang napunta sa Department of Finance (DOF) na ginamit para sa Small Business Wage Subsidy Program.

Nakatanggap naman ang Department of Health (DOH) ng ₱48.98 bilyon para sa hazard pay at special risk allowance ng mga healthcare worker, pagbili ng mga Personal Protective Equipment (PPE) at COVID-19 testing kit.

Umabot naman sa ₱37.02 bilyon ang ibinigay sa mga munisipalidad, lungsod at lalawigan habang nakakuha ang Department of Education (DepEd) ng ₱10.91 bilyon para sa Basic Education Learning Continuity Plan.

₱11.39 bilyon naman ang natanggap ng Department of Agriculture (DA) para sa “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra sa COVID-19” program.

Samantala, para naman matulungan ang mga displaced worker, naglaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng ₱7.44 bilyon.

Nasa ₱5.15 bilyon naman ang ginamit para pondohan ang tulong pinansiyal sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).

Facebook Comments