Cauayan City, Isabela- Aabot sa P4.3 milyong halaga ng marijuana bricks ang nakumpiska ng mga pulis sa pag-iingat ng isang menor de edad sa Sitio Banat, Bagumbayan, Tabuk City, Kalinga.
Una rito, habang bumabaybay sa kahabaan ng Sitio Banat ang mga kasapi ng Tabuk City Police Station lulan ang kanilang patrol sa pangunguna ni PLt Ruben Balanoy, isang kulay dilaw na motorsiklo na walang plaka ang mabilis na nag-overtake sa kanilang sasakyan at aksidenteng sumemplang sa gilid ng kalsada.
Agad na bumaba at nirespondehan ng mga pulis ang sakay ng motorsiklo subalit habang tinutulungan ang naaksidenteng lalaki ay napansin sa backpack nito na bahagyang nakabukas ang laman na bricks na hinihinalang mga pinatuyong dahon ng marijuana.
Nang maberipika ito ay agad itong kinumpiska at inimbentaryo na sinaksihan ng mga taga DOJ, barangay officials at lokal na media.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang 35 piraso ng marijuana bricks na bigat na 36.602 kilos na tinatayang nagkakahalaga ng Php4,392,240.00.
Nabatid na ang suspek ay isang menor de edad na residente ng Barangay Loccong, Tinglayan, Kalinga.
Agad na dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek kasama ang mga nakumpiskang marijuana bricks para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.