Nasamsam ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang nasa P4.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu na isinilid sa dalawang lata ng choco wafer.
Ayon sa ahensya, nabuking ang iligal na droga noong Hulyo 22 nang magsagawa ng physical examination sa mga natambak na kargada sa NAIA Customs bonded warehouse.
Nanggaling sa Las Vegas, Nevada ang naturang package na ipinangalan sa isang residente sa Hagonoy, na hindi na tinukoy ng awtoridad.
Inilarawan umanong “Toys/Present” ang padala na bukod sa dalawang lata ng choco wafer kung saan inilagay ang droga, ay naglalaman din ng candy, chocolate, laruan, medyas at tsinelas.
Kinumpirma naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na shabu ang nabistong droga.
Ibinigay na rin ang shabu sa PDEA para sa ihahandang kaso laban sa mga nag-import.