P4 Billion na halaga ng loan, alok sa MSMEs para sa pagbibigay ng 13th month pay

Naglaan na ang pamahalaan ng pondo para sa mga maliliit na negosyo para sila ay makapagbigay ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang Small Business Corporation ay handang magpahiram ng ₱4 billion para sa micro at small businesses para sa kanilang 13th month payout.

Bukod dito, ang Rural Bankers Association of the Philippines ay magpapautang din.


“They are willing to share about P4 billion of that para sa mga soft loans sa mga micro and small business enterprises para makautang sila without any collateral, so that they can pay the 13th month pay of their employees,” ani Bello.

Muling iginiit ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) Chairperson Sergio Ortiz-Luis Jr. na hindi talaga kakayanin ng mga maliliit na negosyo na magbigay ng 13th month pay dahil sa COVID-19 pandemic.

“‘Yung mga micro, ‘di kaya talaga eh. Maraming mawawalan ng trabaho kapag piniga natin nang piniga ‘yung mga micro na ‘yan at hindi natin tinulungan,” sabi ng ECOP head.

Ang Bankers Association of the Philippines (BAP) ay una nang naghayag na handa nilang i-alok ang kanilang loan facilities para sa MSMEs.

Sa ilalim ng Presidential Decree 851, ang mga employer ay minamandatong bigyan ang kanilang mga empleyado ng 13th month pay na hindi lalagpas sa December 24 kada taon.

Facebook Comments