P400-M na halaga ng binhi at ibang pananim, naipamahagi ng DA sa panahon ng ECQ

Tuluy-tuloy ang pagpapalaganap ng Department of Agriculture (DA) ng urban gardening habang umiiral ang community quarantine.

Sa virtual presser sa DA, iniulat ni Agriculture Secretary William Dar na nakapagpamahagi ang DA ng mga buto at binhi ng gulay at iba pang pananim na nagkakahalaga ng 400 milyong piso sa halos dalawang milyong mga bahay sa buong bansa.

Ito aniya ay simula nang umiral ang lockdown dahil sa pandemya.


Kahapon, nagkaloob ang DA ng mga vegetable seeds at seedlings sa Manila Local Government Unit (LGU) matapos itong makipag-partner sa Urban Agriculture Program ng ahensiya.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, gagamitin ang naturang mga binhi sa urban farming sa Brgy. 128 Paradise Heights, Smokey Mountain sa Tondo.

Aniya, mayroon na ring mga farmers’ associations at cooperatives mula sa 947 munisipalidad ang tatanggap ng farm equipment.

Umaasa si Dar na malaki ang maitutulong ni James Reid bilang Ambassador for Food Security upang maipalaganap sa buong bansa ang Urban Agriculture at Plant, Plant, Plant Program ng ahensya.

Facebook Comments