P420-B pondo sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3, isinusulong sa Kamara

Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukala para sa Bayanihan 3.

Sa ilalim ng House Bill 8628 o “Bayanihan to Arise As One Act” na inihain nina House Speaker Lord Allan Velasco at Marikina Rep. Stella Quimbo, pinaglalaan ang gobyerno ng P420 billion na pondo na layong tugunan ang pangangailang makaahon ang ekonomiya.

Giit ni Velasco, kailangan ng karagdagang economic stimulus package para matulungan ang gobyernong maabot ang recovery target nito ngayong taon.


Samantala ang P420 billion appropriation sa ilalim ng Bayanihan 3 ay ilalagak sa mga sumusunod:

• P52 billion para sa subsidiya sa mga maliliit na negosyo para sa sahod at iba pang worker-related expenses
• P100 billion para sa capacity-building ng mga negosyo na nasa kritikal na kondisyon
• P108 billion para karagdagang social amelioration sa mga pamilyang sobrang naapektuhan ng pandemya sa ilalim ng programa ng DSWD
• P70 billion tulong sa mga magsasaka, mangingisda at livestock producers
• P30 billion para sa cash-for-work program ng DOLE
• P30 billion para sa internet allowance ng mga estudyante at guro
• P5 billion ang ilalaan sa DPWH para sa pagpapagawa ng mga imprastrakturang winasak ng kalamidad
• P25 billion sa DOH para pambili ng gamot at bakuna sa covid-19 kasama ang gastos sa logistics at information awareness campaigns

Sa ngayon, 115 miyembro ng Mababang Kapulungan ang nagpahayag ng suporta sa panukala.

Facebook Comments