P5-B para sa farm-to-market roads gamit ang pondo ng Bayanihan 2, kinuwestyon sa budget deliberations ng Senado

Nagtataka si Senator Panfilo “Ping” Lacson kung anong kinalaman ng farm-to-market roads sa pagresponde ng gobyerno sa pandemya.

Tanong ito ni Lacson, matapos niyang mabatid na ang P5 bilyong pondo na dapat sana ay para sa COVID-19 response ay ginamit pala sa pagpopondo ng implementasyon ng naturang mga projects sa ilalim ng Agriculture Stimulus Package ng Bayanihan 2.

Sagot naman ni Senador Cynthia Villar na sponsor ng budget ng Department of Agriculture (DA), marahil ito ay para maisaayos ang logistics.


Kinuwestyon din ni Lacson ang 17 porsyentong pagtaas para sa Agri-Machinery, Equipment, Facilities, and Infrastructure Program ng DA.

Mula P11.3 bilyon ay naging P13.32 bilyon ito kung saan ang bulto ng pagtaas ay mapupunta sa farm-to-market roads mula P4.98 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program.

Ayon kay Lacson, tumaas pa ito at naging P6.95 bilyon sa ilalim ng bersyon ng Mababang Kapulungan.

Nang tinanong ni Lacson ang tungkol sa naturang isyu ay itinanggi ng DA na may alam sila sa mga detalye ng proyekto.

Dahil dito, binigyang diin ni Lacson na talamak ang problema ng mga ahensya tulad ng DA na makatanggap na karagdagang pondo para sa fam-to-market roads nang hindi sila nakokonsulta ukol dito.

Facebook Comments