P50-M Livelihood Assistance para sa mga Informal Workers sa Isabela, Natanggap ng DOLE

Cauayan City, Isabela-Natanggap na ng Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Office No. 02 ang P50 milyong pisong pondo na inilaan para sa livelihood assistance na nakatakdang ipamahagi sa mga grupo ng informal workers na labis na apektado ng COVID-19 sa lalawigan ng Isabela.

Una nang inaprubahan ni DOLE Secretary Silvestre H. Bello III ang livelihood fund allocations para sa 108 workers sa probinsya dahil sa naranasang matinding epekto ng COVID-19 pandemic sa kanilang sektor.

Karamihan sa mga ito ay mula sa small-scale workers na may limitadong pinagkukunang arawang kita.


Ayon kay DOLE Isabela Field Officer Evelyn Yango, kailangan ng suporta ng sektor ng agrikultura upang mapanatili ang kanilang produksyon at magkaroon ng maayos na suporta sa kabilang ng pandemya.

Kaugnay nito, ang grupo ng mga nangangasiwa sa livelihood mula sa field office ay nagsagawa ng orientation at sanayin ang mga karapat-dapat na benepisyaryo sa pamamalakad ng isang livelihood project.

Samantala, may 2,700 informal workers ang mabebenepisyuhan rin ng programa.

Umaasa naman si Yango na matatapos ang serye ng pagsasanay at maisusumite ang project proposals sa regional office upang mapabilis ang paglabas ng mga pondo sa kalagitnaan ng Oktubre 2021.

Nakapaloob sa DOLE Administrative Order 137-14 ang guidelines sa pagpapatupad ng DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) na layong makapaghatid ng serbisyo sa mga karapat-dapat na benepisyaryo sa pamamagitan ng sistematiko at makatwiran na mga serbisyo at tulong.

Facebook Comments