Kinalampag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na idetalye ang P544 billion na lump sum funds na nakapaloob sa kanilang 2023 budget.
Binigyang-diin ni Pimentel na ang nasabing halaga ay 75 percent ng kabuuang P718.4 billion na pondo ng DPWH sa susunod na taon.
Iginiit ng opposition senator na mahalagang maging transparent ang DPWH sa nasabing lump sum na pondo lalo’t ang paggugol dito ay posibleng mauwi sa pang-aabuso.
Ikinakabahala pa ng senador na ang karamihan sa pondo ay nakalagak o nakalaan sa ilalim ng central office ng ahensya.
Umapela si Pimentel sa DPWH na idetalye ang napakalaking alokasyon hanggang sa pinakasentimo nang sa gayon ay mabusisi ito ng mabuti ng Senado at ng publiko.
Dagdag pa ng senador, kung palulusutin ng Kongreso ang lump sum appropriation ay tila binibigyan ng “executive blanket authority” ang DPWH para gastusin ang P544 billion sa paraan na kanilang nais o gusto.