Cauayan City, Isabela- Umaabot sa P6-Milyong halaga ng cocaine ang narekober ng mga otoridad sa baybaying bahagi ng Sitio Dituwangan, Brgy. Bicobian, Divilacan, Isabela.
Ayon kay PCol.Mariano Rodriguez, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), nakita umano ng isang mangingisda ang isang (1) piraso ng itim na plastic na nakabalot sa rubberized plastic bag at packaging tape na naglalaman ng powder na may bigat na halos isang (1) kilo na palutang-lutang sa baybaying dagat.
Agad itong inireport sa himpilan ng pulisya at ipinasakamay ang narekober na item sa Naval Intelligence and Security Group -Northern Luzon. (NISG-NL).
Nakipag-ugnayan na rin si PCol.Rodriguez sa Chemist ng PDEA Region 02 upang suriin ang naturang item at nakumpirma na ito ay Cocaine.
Dahil dito, pinaalerto ni Regional Director P/BGen.Angelito Casimiro ang kanyang kapulisan at mga residente na malapit sa baybaying dagat na makipagtulungan pa rin sa kanilang hanay sa kanilang kampanya kontra sa illegal na droga.
Matatandaan na noong Pebrero 2018 ay nasa labing walong (18) container na naglalaman ng shabu ang narekober din ng awtoridad na palutang-lutang sa bahagi ng Brgy Dipudo sa bayan din ng Divilacan.