P6 per Kilowatt hour na price cap sa kuryente, itinakda ng Senate Committee on Energy

Nagtakda ng P6 price cap para sa power rate ang Senate Committee on Energy sa harap ng sunod-sunod na pagtataas ng Luzon grid sa red at yellow alert.

Isa ito sa mga polisiyang napagkasunduan sa isinagawang pagdinig ng committee noong Huwebes kaugnay ng energy situation sa bansa.

Gayunman, ayon kay Senate Energy Committee Chairman Sherwin Gatchalian,  wala silang nakuhang assurance mula sa mga kumpanya ng kuryente na wala nang mararanasang brownout mula ngayon hanggang sa pagsapit ng tag-ulan.


Wala rin aniya silang nakikitang sapat na reserbang kuryente kaya hindi maiiwasan ang brownout sakaling magka-aberya sa mga planta.

Sa kasamaang palad pa niya, walang parusa o multa sa mga plantang pumapalya kaya ang mga konsyumer din ang nagdurusa at napeperwisyo ng taas-singil sa kuryente sa tuwing nagkakaroon ng aberya.

Kaugnay nito, hinamon ni Gatchalian ang mga pribadong nagpapatakbo ng planta ng kuryente na ayusin ang kanilang serbisyo dahil kung hindi, mainam aniyang ibalik na lang sa gobyerno ang pagpapatakbo sa mga ito.

Hinikayat din niya ang Department of Energy at Energy Regulatory Commission na imbestigahan ang posibleng sabwatan sa pagitan ng mga kumpanya ng langis at mga planta ng kuryente.

Facebook Comments