Isinusulong ni KABAYAN Party-list Rep. Ron Salo na itaas sa P600 kada araw ang minimum wage ng mga manggagawa sa buong bansa.
Sa ilalim ng House Bill 7527 na inihain ni Salo, hinihimok nito ang wage boards na kumilos para itaas ang buwanang sahod sa P600.
Nakapaloob rin sa panukalang batas na tutukuyin ng National Wages and Productivity Commission at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang ibibigay na insentibo para sa mga manggagawa.
Paliwanag ng kongresista, ang disparity o hindi pagkakapantay-pantay ng sahod sa mga rehiyon ang dahilan kung bakit marami ang napipilitang lumuwas sa Maynila upang maghanap ng trabaho.
Kung magagawa ito ay magagawang makasabay ang mga karaniwang empleyado at unprotected members ng workforce sa tumataas na presyo ng mga bilihin at mapapanatili ang makataong antas ng pamumuhay sa bansa.