Cauayan City, Isabela- Umabot sa mahigit P62 milyon na halaga ng tanim na marijuana ang pinagsisira ng mga awtoridad sa kanilang dalawang araw na operasyon sa Barangay Loccong at Butbut Proper na nasasakupan ng Tinglayan, Kalinga noong August 3-4, 2021.
Batay sa ulat ng Kalinga Police Provincial Office, nasa pitong (7) plantasyon ng marijuana ang kanilang sinira sa Barangay Loccong habang walo (8) naman sa Barangay Butbut proper.
Pinagsamang pwersa ng Kalinga Provincial Police Office, RID/RPDEU/RSOG, 1503rd, 1505th, 1501st RMFB15, PNPDEG SOU2 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Kalinga ang nanguna sa nasabing operasyon sa lugar.
Nasa 310,600 fully grown marijuana plants mula sa 32,000 na lawak ng taniman ang sinira at sinunog ng mga awtoridad bilang bahagi ng kanilang kampanya kontra iligal na droga.
Pinuri naman ni Kalinga Police Director PCol. Davy Vicente Limmong ang operating units sa kanilang matagumpay na marijuana eradication na layong tulungan ang komunidad sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.