Kinwestyon ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian ang pagbabayad ng Department of Education (DepEd) ng P69 million na ‘service fee’ sa Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM.
Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay sinabi ni DepEd Usec. Annalyn Sevilla na nagbayad ng P69 million ang ahensya para sa serbisyo ng PS-DBM sa pagbili ng P2.4 billion na overpriced na laptops para sa public school teachers.
Katwiran ni Sevilla, nakatipid pa umano ang DepEd dahil 3% lang siningil sa kanila na service fee na kadalasan ay nasa 5%.
Mayroon pang dokumento na nakalagay na service fee ay 4% pero ito ay typographical error lamang nang i-check sa PS-DBM.
Pero binigyang-diin ni Gatchalian na hindi “worth it” o hindi sulit ang P69 million na ibinayad ng DepEd dahil hindi naman maayos ang trabaho at serbisyong ibinigay ng PS-DBM lalo pa’t overpriced at napakabagal ng biniling laptops.
Tinanong din ng senador si Sevilla kung kuntento ba sila sa trabaho ng PS-DBM, pero tugon ng opisyal, inilipat nila ang pagbili ng laptops sa PS-DBM dahil nakadepende at tiwala sila sa expertise ng ahensya.