
Ikinatuwa ng Department of Energy (DOE) ang pagpasok ng P745.10 bilyong halaga ng renewable energy investments sa unang siyam na buwan ng taon, na bumubuo sa 79% ng kabuuang P942.90 bilyong aprubadong pamumuhunan sa Board of Investments (BOI).
Batay sa datos ng Department of Finance (DOF), malaki ang naiambag ng sektor ng malinis na enerhiya sa pinagsamang P1.4 trilyong investment approvals ng BOI, Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na mas mataas nang 39% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa pamamagitan ng Green Energy Auction Program (GEAP), nakapaggawad na ang kagawaran ng 20.7 gigawatts na renewable energy capacity, habang target pang isubasta ang dagdag na 25 GW hanggang sa taong 2035, kabilang ang kauna-unahang offshore wind auction round sa bansa.
Binigyang-diin ni Energy Secretary Sharon Garin na prayoridad ng ahensya na mapanatili ang tiwala ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng malinaw na mga polisiya at agarang pagresolba sa mga balakid sa pagpapatayo ng mga planta.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOE sa mga lokal na pamahalaan, transmission developers, at iba pang ahensya upang mapabilis ang pagkuha ng mga permit at grid connectivity, at maabot ang target na 35 porsyentong renewable energy share sa power generation mix pagsapit ng 2030.










