
Hindi pa rin tuluyang naaayos ang problema sa internet connection sa International Media Center sa World Trade Center, Pasay City ngayong ikalawang araw ng 49th ASEAN Summit.
Hindi lamang mga lokal na mamamahayag ang apektado ng mabagal at pawala-walang internet connection sa International Media Center ng 49th ASEAN Summit.
Maging ilang foreign media ay nagtatanong na rin kung talagang mahina ang Wi-Fi sa media center matapos maranasan ang paulit-ulit na pagkawala ng koneksyon.
Una nang tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na inaayos na nila ang internet connection at target itong mabalik sa maayos na kondisyon.
Ayon kay DICT Secretary Robert Joseph Montes de Claro, nagdaragdag sila ng security protocols upang matiyak na ligtas ang mga datos na dumadaan sa media center na konektado rin sa iba pang venues ng summit.
Paliwanag ng kalihim, nais nilang maiwasan na maging daan ang internet connection sa anumang security breach dahil maraming gumagamit nito.










