Mabilis na inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang P8.2 billion proposed budget ng Office of the President (OP) para sa taong 2022.
Ito ay matapos imungkahi ni Pangasinan Representative Tyrone Agabas na tapusin na agad ang budget deliberations ng OP na sinegundahan naman nina Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera-Dy at Quezon City District III Representative Allan Reyes.
Hindi naman tinanggap ng deliberation panel ang ginawang pag-object ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago dahil hindi naman daw miyembro ng Committee on Appropriations ang kongresista.
Dahil dito, tinawag ng Makabayan bloc na railroading ang mabilis na pag-apruba sa proposed budget ng OP.
Giit ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate, dapat matingnan at mabusisi ng husto ang pondo ng OP partikular ang napakalaking confidential at intelligence fund na aabot sa P4.5 billion.
Aniya, tungkulin ng mga mambabatas na tiyakin ang “check and balance” sa mga ahensya ng gobyerno.