Naihatid na nang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ng Philippine Army ang mga family food packs na nagkakahalaga ng P7.3-M at P1.1-M na halaga ng mga sleeping kits at beds sa mga sinalanta ng Bagyong Odette.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, sa tulong ng Philippine Army at private shipping company naihatid na ng kagawaran ang nasabing mga tulong sa mga probinsiya ng Dinagat Islands at Siargao.
Aniya, tuloy-tuloy na ipinamamahagi ngayon ng DSWD ang mga family food packs sa mga apektadong residente sa Eastern at Western Visayas.
Sinabi pa nito na mula sa Villamor Air Base sa Pasay City inilipad ng C130 Philippine Air Force ang mga ayuda patungong Cebu Air Base.
Paliwanag ni Dumlao, dahil sa dami ng bulto ng mga relief goods na kinabibilangan ng mga tents, galong-galong mineral waters, sako-sakong bigas, toiletries, used clothes, mga delata, bottled water at generator sets kaya’t dalawang beses ang ginawang paghahatid dito.
Target din na mahatiran ng ayuda ang mga nasalanta ng Bagyong Odette sa ilang lugar sa Visayas region, at Northern Mindanao.