Nakasabat na naman ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ng tone-toneladang smuggled na face masks.
Sa bisa ng Letter of Authority na pirmado ng Customs Commissioner, sinalakay ng mga tauhan ng Customs Enforcement and Security Service ang isang warehouse sa Barangay Sta. Rosa sa Marilao, Bulacan.
Dito nadiskubre ang 648 kahon ng mga pekeng N-95 face masks na nakatakda na sanang i-deliver sa merkado.
Bukod sa peke, nilagyan pa ito ng mga disenyo at logo ng ilang sikat na luxury fashion brands.
Nasabat din sa naturang warehouse ang 1,000 master cases ng mga sigarilyo.
Ayon sa Customs, nagkakahalaga ang naturang mga kontrabando ng P80 milyon.
Dinala na sa Port of Manila ang nasabing mga produkto para sa imbentaryo at imbestigasyon.
Hindi naman tinukoy ng Customs kung sino ang may-ari ng ni-raid na warehouse at kung sino ang nagpalusot ng naturang mga kontrabando.