P83-B ang inilaan ng Senado para sa pagbili, paglalagyan, at pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19.
Kasunod na rin ito ng pag-apruba ng Senado sa 3rd and final reading ng panukalang P4.5 trilyon na national budget para sa 2021.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara, ang pondong ito ay mas malaki sa inilaan ng Department of Budget and Management.
Una na itong tinaasan ng Kamara ng P8 bilyon habang naglaan ang Senado ng P54 bilyon sa unprogrammed appropriation para sa bakuna at P21 bilyon naman sa paglalagyan, transportasyon, at distribusyon ng COVID-19 vaccine.
Samantala sa interview ng RMN Manila, iminungkahi ni Sen. Franklin Drilon na ilaan din sa COVID-19 vaccines ang P33.4 bilyon na nakatenggang pondo ng ibang ahensya sa Philippine International Trading Corp.
Giit ni Drilon, pwede itong gawin sa pamamagitan ng isang executive order na mag-aatas sa PITC na ibalik sa National Treasury ang nabanggit na bilyo-bilyung pisong halaga ng pondo.
Suhestyon ito ng senador sa kakulangan ng pondo para mabigyan ng bakuna laban sa COVID-19 ang 60 million mga Pilipino kung saan aabot sa 73.2 bilyong piso ang kalailanganin.
Samantala, tiniyak naman ni DBM Sec. Wendel Avisado na makikipagtulungan sila sa Kongreso para sa mabilis na pagpasa ng 2021 national budget.