P85 Milyon Quarry Revenue Collection, Pinakamataas na Nalikom ng Cagayan

Cauayan City, Isabela- Tumataginting ng mahigit P85 Milyon ang nalikom na buwis ng Quarry Division ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan mula Enero hanggang Nobyembre 30 ngayong taon.

Pinakamataas ang P85 milyon na nalikom na buwis ng Kapitolyo ng Cagayan sa kasaysayan nito.

Binasag ng koleksiyon ng taong kasalukuyan ang kabuuang koleksiyon ng taong 2017 na umabot ng P74.4 milyon.


Pinupuri naman ni Edwin Jesus O. Buendia Jr., tagapamahala ng operasyon ng quarry sa probinsiya, ang buong hanay ng mga Bantay Quarry Checkers ng lalawigan dahil sa dedikasyon at sakripisyo ng mga ito sa pagbabantay at pagpapasunod ng mga panuntunan sa operasyon sa quarry ng probinsiya.

Pinasalamatan din ni Buendia ang lahat ng permitees at haulers sa lalawigan na maayos na nagbabayad ng buwis na Kapitolyo kung kaya ay maayos at maganda ang natamong resulta ngayong taon.

Dagdag pa ni Buendia, kung hindi tinamaan ng pandemya at ng malawakang pagbaha ang lalawigan ay baka naabot nila ang minimithing P100 milyon ngayong taon.

Lubos ding nagpapasalamat ang hanay ng Bantay Quarry Checkers sa suporta at malasakit ni Gobernador Manuel Mamba sa kanila.

Makaaasa diumano ang Gobernador Mamba at ang mamamayang Cagayano na sa maging sa mga susunod na taon ay higit nilang pagbubutihan ang operasyon ng quarry sa Cagayan.

Facebook Comments