Siyam na indibidwal ang naaresto sa isinagawang law enforcement operation laban sa ilegal na pagbebenta ng produktong petrolyo sa Market 3, Pier 5, Navotas Fish Port Complex, Brgy. NBBS, Navotas City kahapon ng 12:30 ng tanghali.
Naisagawa ang operasyon matapos makatanggap ng tip ang mga operatiba ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) – Regional Highway Patrol Unit – National Capital Region (RHPU NCR), kasama ng PNP Maritime Group at ng Philippine Coast Guard (PCG), sa koordinasyon sa Department of Energy (DOE) patungkol sa hinihinalang ilegal na distribusyon ng petrolyo sa lugar.
Kung saan naaktuhan ng mga awtoridad ang nasabing ilegal na gawain at dito na rin naaresto ang nasabing siyam na katao matapos hindi ito makapagbigay ng mga kaukulang dokumento.
Ang mga naaresto ay pawang mga Filipino, lahat lalaki at may edad na nasa 21 hanggang 57 at nagtatrabaho bilang drivers, helpers, at kapitan ng vessel.
Narekober sa nasabing operasyon ang isang fuel tanker na may kargang 15,000 liters ng diesel, isang cargo vessel na ginamit bilang imbakan na may karga na nasa 50 liters pang diesel, fuel hoses, at pumping equipment.
Kung saan nasa kabuuang 65,000 liters ang nakumpiska ng mga otoridad at tinatayang nagkakahalaga ito ng P9.75 milyon.
Sa ngayon ang mga nasabing naarestong indibidwal ay nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa kasong may kaugnayan sa ilegal na pagbebenta ng produktong petrolyo.










