Tahimik pero epektibo ang paraan ng pangangampanya ng kabiyak ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na si Mrs. Alice de Perio-Lacson na madalas ay sa mga palengke nagtutungo para manuyo ng mga boto.
Madalang na makitang kasama ng batikang lingkod-bayan ang kanyang maybahay sa pag-iikot nito ngayong panahon ng kampanya. Ito ay dahil sinadya ni Mrs. Lacson na hiwalay siyang magtungo sa iba’t ibang lalawigan para personal na kumausap sa mga botante at mamahagi ng tapis o ‘apron.’
Sa kampanya ni Mrs. Lacson at ng grupong ‘Ping Beneath the WINGS,’ binigyan ng ibang kahulugan ang salitang ‘apron’ o kasuotan para protektahan ang damit ng gumagamit upang ilarawan ang magiging papel ni Lacson sa mga Pilipino sakaling mahalal bilang susunod na pangulo ng bansa.
Para sa kanila, si Lacson ‘Ang Poprotekta, Rerespeto at magbibigay Oportunidad at pag-asa sa mga Nagnanais ng pagbabago’ kaya ‘APRON.’ Ayon sa kasamahan nina Mrs. Lacson, bentang-benta ang mga ‘apron’ na kanilang ipinamamahagi sa masa ngayong panahon ng eleksyon.
Ang samahan na ‘Ping Beneath the WINGS (Women’s Initiative for Nation’s Good Service)’ ay binubuo ng mga kababaihang sumusuporta sa kandidatura ni Lacson simula pa noong nakaraang taon. Pinangunahan ni Mrs. Lacson ang grupo para tumulong sa kampanya ng kanyang asawa.
Bago ilunsad ang kanilang on-the-ground campaign, nag-alay ng panalangin si Mrs. Lacson sa Our Lady of the Rosary sa Manaoag, Pangasinan na kanyang bayang sinilangan. Nitong Marso sila nag-umpisang mag-ikot sa mga palengke, tindahan at mga lansangan.
Tuloy-tuloy ang kanilang kampanya sa mga lalawigan ng CALABARZON para kausapin ang mga tindera, kargador sa palengke, mga mamimili at iba pang botante ano man ang kanilang estado sa buhay para ipaalam sa kanila na protektado sila at ang kanilang kabuhayan sa panunungkulan ni Lacson.
May ilan din sa mga miyembro ng ‘Ping Beneath the WINGS’ ang nagtungo sa Mindanao, partikular sa Lungsod ng Davao, para mag-ikot din sa mga palengke rito at mamahagi ng mga ‘apron’ kasabay ang pagsusulong ng mga adbokasiya ni Lacson sa kalusugan, kabataan, at kaligtasan ng publiko.
“Ang madalas na natatanggap namin na reaksyon sa mga nakakausap namin, ngayon lang daw nila naramdaman na may sumama na asawa ng presidential candidate,” ayon sa isang miyembro ng ‘Ping Beneath the WINGS.’
Sa isang video message, siniguro ni Mrs. Lacson na magiging protektado hindi lamang ang kababaihan, ngunit maging ang buong sambayanan—nasa lansangan man, paaralan, o tahanan—sa ilalim ng pamumuno ng kanyang mister sakaling magwagi ito bilang susunod na pangulo.
Ipinaliwanag din niya ang dahilan kung bakit ‘apron’ ang kanilang napiling ipamahagi. “Sumisimbolo (ito) ng proteksyon ng isang lider laban sa katiwalian, laban sa pagnanakaw, laban sa pagpapahirap sa bansa. Protektado tayo ng KakamPing tunay,” pahayag ni Mrs. Lacson.
Sa nalalabing araw ng kampanya, plano ng ‘Ping Beneath the WINGS’ na mga street sweeper at grupo naman ng mga magsasaka ang kanilang kakausapin para isulong ang mga plataporma ni Lacson tungo sa maayos, matino, at malinis na gobyerno. ###