Manila, Philippines – Pinayuhan ngayon ni NCRPO Regional Director Camilo Cascolan ang mga opisyal at kagawad ng Manila Police District (MPD) sa kanyang unang opisyal na pagbisita sa punong tanggapan ng MPD sa United Nations Avenue, Ermita, Maynila.
Pinaalalahanan ni Cascolan sa kanyang maikling mensahe, ang Manila Police na igalang ang karapatang pantao at maging disiplinado.
Ginamit pa ni Cascolan ang polisiya na “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan” na ipinatutupad ng mga awtoridad noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Paalala pa ni Cascolan sa Manila Police, kapag nasa bahay ay magpahinga ngunit kapag nasa trabaho na ay kalimutan ang lahat at pumokus sa pagtupad sa tungkulin kung saan kailangan din aniyang kumain ang mga pulis upang maging masigla sa pagtupad sa tungkulin.
Paliwanag pa ng opisyal na nais niyang maging pursigido ang mga pulis gaya ng pagiging pursigido nila noong si PNP Chief Oscar Albayalde pa ang NCRPO regional director o higitan pa.
Kasabay nito ay pinapurihan ni Cascolan ang matagumpay na paglalatag ng seguridad ng Manila Police sa anim na kritikal na okasyon gaya ng ASEAN, Labor Day noong Mayo 1, Traslacion ng Nuestra Señora del Carmen.
Ang Tabligh ng mga kapatirang Muslim; ang Unity Walk ng Iglesia ni Cristo at ang katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataang Election noong Mayo 14.
Dagdag pa ni Cascolan, nais niyang bigyang pagkilala ang bawat pulis ng Maynila sa naging tagumpay ng mga natapos na okasyon.
Sa oras na ito ay patuloy ang command conference sa MPD na pinangangasiwaan ni MPD Director Chief Superintendent Joel Coronel.