Ikinadismaya ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang ilang beses at minsan ay biglaang pagbabago-bago sa protocols para sa pagpapa-uwi sa LSIs.
Diin ni recto, hindi ito nararapat para sa mga pagod, gutom at nagdurusang LSIs na sumunod naman sa patakaran tulad ng pagkuha ng health at police clearance para makauwi sa kanilang mga lalawigan.
Pahayag ito ni Recto, sa harap ng naiipong LSIs sa Manila North Harbor makaraang hindi pasakayin ng barko kahit may travel pass at negatibo sa COVID-19 rapid test dahil kailangan muna nilang sumailalim sa PCR o swab test.
Pero kahapon naman ng umaga ay pinasakay umano ng barko ang LSIs na patungong Dumaguete at Zamboanga kahit hindi sumailalim sa swab test.
Giit ni Recto, ang transportation protocols ay hindi dapat binabago nang madalas tulad ng alon sa karagatan na nagbubunga sa paglubog ng pangarap ng LSIs na makauwi sa kanilang mga tahanan.
Ayon kay Recto, hindi naman mala-Dunkirk ang sitwasyon ngayon pero palpak pa rin ang pagpapa-uwi sa LSIs.
Ang tinutukoy na Dunkirk ni Recto ay ang pelikula na nagpapakita ng paglilikas ng libu-libong katao sa France sa gitna ng World War II.