PABOR | Paglalagay sa pambansang budget ng koleksyon mula road user’s tax, suportado

Manila, Philippines – Pabor ang mga lider ng Senado na mailipat sa General Appropriations Act o GAA ang koleksyon mula sa motor vehicle user’s charge o road user’s tax.

Ang posisyon ng Senate leaders ay sa harap ng naipasang panukalang bubuwag sa Road Board na siyang humahawak at namamahala sa nabanggit na multi-bilyong pisong halaga ng salapi.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, makabubuting maipaloob sa pambansang budget ang road user’s tax para malinaw kung saan ito gagamitin at hindi maibulsa.


Sabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, mainam na isama sa kita ng gobyerno ang road user’s tax at ibalik sa GAA.

Giit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat nasa GAA talaga ang road user’s tax dahil ang pagtatakda ng pagkakagastusan nito ay kasama sa trabaho ng mga mambabatas at hindi ng Road Board.

Binigyang diin pa ni Drilon na mahalaga ang transparency o pagiging bukas sa publiko ng paggamit sa nabanggit na pondo.

Facebook Comments