Manila, Philippines – Mag-aalok ang Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ng pabuya para sa mga makakapagturo ng rice hoarders.
Aabot sa ₱250,000 ang ibibigay na reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga ilegal na nagtatago ng supply ng bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, layon ng anti-hoarding campaign na maaresto ang mga negosyanteng umiipit sa supply ng bigas na naging dahilan ng pagtaas presyo nito sa mga pamilihan.
Ang pabuya aniya ay galing sa mga pribadong traders at millers na direktang naaapektuhan ng hoarding activities.
Para sa mga may impormasyon tungkol sa nangyayaring rice hoarding, maaring magsumbong sa office of the secretary of agriculture.
Tiniyak ng DA na itatago ang pagkakakilanlan ng mga lulutang na impormante.