Nagluluksa ng may pagmamalaki at dignidad, ito ngayon ang umiiral na damdamin sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa pagpanaw ng kanilang founder na si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez.
Sa isang statement, sinabi ng VACC na bagamat malaking kawalan, ang pagpanaw ng kanilang dating Chairman hindi ito dahilan para panghinaan ng loob ang mga miyembro.
Sa halip, magsisilbing inspirasyon sa movement at sa mga biktima ng karahasan ang mga ala-ala ni Jimenez.
Ang mga pagsisikap at prinsipyo ng dating VACC chairman ay lalaganap sa kamalayan ng mga mamamayang nagmamahal sa hustisya.
Para sa VACC, makikilala si Jimenez bilang kauna-unahang kampeyon ng hustisya at transparency sa gobyerno.
Di matatawaran ang pagsasakripisyo ni Jimenez na buong panahon ng kaniyang buhay ay inialay sa adbokasiya laban sa krimen,korapsyon at sa kampanya para sa good governance.
Ipinakita ni Jimenez na ang hustisya sa bansa ay di lang sa mga mayayaman kundi para sa lahat.