Handa ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na imbestigahan ang anumang alegasyon laban sa mga energy officials na isinasangkot ni Senator Manny Pacquiao.
Ayon kay PACC Chairman Greco Belgica, welcome ang sinuman na magbigay sa kanila ng mga ebidensya kung may nalalaman sila sa umano’y sabwatan ng Department of Energy (DOE) at ng pribadong Independent Electricity Market Operators of the Philippines (IEMOP).
Matatandaang kabilang ang DOE sa mga binanggit ni Sen. Pacquiao sa mga ahensya ng gobyernong batbat ‘di umano ng korapsyon.
Partikular na binanggit ng fighting Senator ang umano’y maanomalyang pagtatayo ng IEMOP base sa isang DOE Circular No.2018-01-002 na naglilipat ng function ng Wholesale Electricity Spot Market sa IEMOP mula sa Philippine Electricity Market Corporation (PEMC).
Ayon sa ilang energy industry players, ginawa ang ganitong organisasyon para umano’y mapaboran ang isang malaking power producer na dating pinaglingkuran ni Energy Sec. Alfonso Cusi.