Hinamon ng Think tank Infrawatch PH si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na pangalanan ang 12 kongresista na sangkot sa korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) projects.
Ayon kay Infrawatch PH Convenor Terry Ridon, hindi dapat magtago si Belgica sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang hurisdiksyon kaya hindi niya isasapubliko ang PACC report na nagdedetalye ng korapsyon sa DPWH.
Giit naman ni Justice Undersecretary Adrian Sugay, kapag na-i-forward na kay Ombudsman Samuel Martires ang PACC report ay bahagi na ito ng public record kaya maaari nang mabigyan ng subpoena ang 12 kongresista.
Sa 12 kongresista, ilan dito ang tumatanggap ng P10 million kickback mula sa government funded na DPWH project, may isa na humihingi ng P100 million habang ang iba ay 5% hanggang 15% ang cut sa infrastructure budget sa kanilang distrito.
Sa kabila ng isyu ng korapsyon, nanatiling tahimik ang House leadership ukol dito gayun din ang tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Sa ilalim ng House rules, maaaring magsagawa ng motu proprio investigation ang House Ethics Committee laban sa mga kongresista na sinasangkot sa katiwalian subalit aminado si Iloilo Rep. Janette Garin na “waste of time” lang ito.
Nangamgamba ang Infrawatch na kung hindi tutukuyin ang 12 kongresista ay mauulit muli ang korapsyon sa 2021 budget kung saan nasa P650 million hanggang P15 billion ang infrastructure funds ng bawat kongresista na nasa DPWH budget.